Mahal kong Leanne,
Darating ang panahon na ikaw ay magkakaroon na lumisan sa piling namin ng Nanay mo upang maglakbay....kung saan man. Yaon ang isa sa mga magandang nangyari sa akin dito sa aking kasalukuyang trabaho. Nakarating na ako sa humigit kumulang na walong bansa (hanggang sa kasalukuyang taon na 2008). Sa katunayan, ako ay nasa bansang Sino sa ngayon habang nililimbag ko ang liham na ito. Maraming maaring mapulot sa mga paglalakbay, tulad ng kanilang kultura, uri ng pagkain, mga iba't-ibang tanawin at kung anu-ano pa. Ngunit sa kabila nito, mayroon din namang mga sakripisyo na nagaganap. Isa na diyan ang paglisan ko sa inyo ni Nanay kahit na mahirap sa kalooban ko. Kailangan lamang talaga na lakasan ang loob at labanan ang pangungulila ko sa inyo. Sa kahulihan, kailangan pa rin na magtrabaho para rin sa ating ikabubuhay at sa ating kinabukasan.
Kapag dumating na ang oras na ikaw naman ang maglalakbay, nawa'y baunin mo ang mga payo at paalala namin ni Nanay. Maging matatag ka sa mga pagsubok, sa mga mapanlinlang na pamamahayag, sa mga mapanirang bisyo at sa iba pang bagay na makakasama sa iyo. Isa sa mga unang payo sa akin ng iyong Lolo ay 'unang pag-aralan ang mga masasamang salita o mura sa bansang iyong pupuntahan.' Makakatulong ito upang malaman mo kung ginagawaan ka na ng kalokohan ng ibang tao. Alamin mo rin daw ang mga exit ng hotel, telepono ng emergency, at hwag kakalimutan ang tubig sa tabi mo. Maging alerto at ismarte sa mga airport, mga lugar pamilihan o ibang pampublikong lugar upang di mahalatang baguhan o dayuhan. Ang tawag ni Daddy dyan ay 'disimulado.' Kailangan mo ring tumawag agad sa bahay na nakarating ka ng matiwasay sa iyong pupuntahan; ito ang unang-unang kailangan gawin sa pagdating mo.
Masakit sa amin na mawawalay ka, pero, ito ay isang bagay na kailangan mong isagawa para rin sa iyong paglaki at pagtanda. May tiwala kami sa iyo dahil ngayon pa lang ay nakikita namin na matalino ka.
O sige anak, mag-iingat ka nawa anak.
Nagmamahal,
Tatay
Saturday, September 20, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment