Wednesday, December 10, 2008

Sama ako, up...

Dear Leanne,

Gustong-gusto kong naririnig itong mga katagang ito, "sama ako, up..." Sinasabi mo ito kapag gusto mong magpa-karga o magpa-hele kapag inaantok ka na. Kahit ngayon na bumibigat at lumalaki ka na, binubuhat ka pa rin namin ni Nanay para lang masunod ang gusto mo. Kung minsan din kapag nagigising ka sa hating gabi, gayun din ang pagtugon namin sa nais mong makatulog muli.

Ganyan ang mga naisin mo sa ngayon. Ngunit batid namin na darating ang panahon na di mo na nanaisin na sumama sa amin pagkat mayroon ka ng sariling mundo na tatahakin. Sa panahong yaon, kami ni Nanay naman ang lalapit sa iyo at magnananais na sumama ka sa amin. Masakit man ang aming mararamdaman, ngunit kailangan ka naming humayo upang magpalago ng iyong mundo. Nawa lamang na baunin mo ang aming mga pangangaral sa iyo at ang mga katuruan ng Diyos.

Mahal na mahal ka namin Leanne.

Sumasaiyo,
Tatay

No comments: